Top Ads

Imelda Papin, iginiit na ‘di siya traydor sa pag-awit sa ‘Iisang Dagat’ na pakulo ng Chinese embassy

Iginiit ng singer-turned-politician na si Camarines Sur Vice Governor Imelda Papin na hindi siya traydor matapos na umani ng mga batikos dahil sa kontrobersiyal na awiting “Iisang Dagat (One Sea),” na pakulo  ng Chinese embassy sa Manila.

Layunin umano ng Chinese embassy na palakasin ang pagkakaisa ng Pilipinas at China sa harap ng nararanasang krisis dulot  ng COVID-19 pandemic. Ibinida rin sa MTV ng kanta ang mga tulong na ibinigay ng China sa Pilipinas.

Pero sa halip na pagkakaisa, tila mas nangibabaw ang galit ng maraming Pinoy dahil sa titulo ng kanta na “Iisang Dagat,” na iniugnay sa “West Philippine Sea” na inaangkin ng China.

Kamakailan lang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas dahil sa pagtutok ng radar gun ng Chinese ship sa Philippine Navy ship sa WPS. Bukod dito, idineklara ng China na bahagi ng Hainan province ang karagatang sakop ng Pilipinas.

Pero ayon kay Imelda, hindi siya bayad sa kaniyang ginawang pag-awit sa “Iisang Dagat” at ang layunin lang ng awitin ay pagkakaisa.

“Hindi puwede maging traydor ang isang Imelda Papin. Hindi naman tama na sabihin iyon. Hindi naman nila ako binayaran. Ako po ang pinakiusapan, at ang intensyon ng kanta ay para magtulungan tayong lahat,” paliwanag ng beteranang mang-aawit sa panayam ng “Dobol B sa News TV” nitong Lunes.

“Hindi ko alam na iyon ay propaganda nila. Puwede natin ilayo roon sa issue [ng West Philippine Sea]. Kung alanganin tayo, bakit natin tatanggapin?” dagdag niya.

Kuwento ni Imelda, kinausap siya ng mga opisyal ng Chinese Embassy sa Manila na maging bahagi ng awitin na para umano magbigay ng pagpupugay sa mga Chinese physician na nagtungo sa Pilipinas para labanan ang COVID-19, at pagkakaisa sa paglaban sa pandemya.

“Ito ay paghawak-hawak ng kamay para sa magandang kinabukasan dahil sa kinahaharap nating problema. Tungkol po ito sa pagmamahal sa isa’t isa,” giit niya.

“Regalo po ito sa mga nagpunta rito na Chinese health care workers. Walang malisya at all,” sabi pa ni Imelda.–FRJ, GMA News

Post a Comment

0 Comments